Archive for August, 2007

stalKer

Thursday, August 30th, 2007

Sumusunod, nagmamasid
Parang asong bumubuntot
Mala-paparazzi ang mga mata
Walang detalyeng pinalalampas
Walang tinitira

Kung anong meron
Sa kanya’y nais matalastas
Upang matapos
Itong paghahanap

At nang sunod-sunod silang dumating
Konsentrasyo’y nawala, napukaw
Nagambala

Sino ang susundan
Sino ang tititigan
Nawawala na ang katinuan

At sa huli
Hahabulin ko pa din sya
Sa hindi malamang dahilan

Pagnanasaaan ang bawat niyang kilos
Ngunit walang magagawa kungdi
Titigan ang kanyang pagkatao

Hanggang sa matapos ang paghahanap kong ito.

Short Story: A Poem

Thursday, August 30th, 2007

Pinipilit tapusin ang mga sinimulan
Sobrang puyat, pagod,
Hangover, pagpiga ng utak
Pagpwersa sa hinuhang hindi naman malalim

Sayang lang ang tinta
Sayang lang ang mga papel
Ang mga oras na ginugol

Ayaw matulad sa isang alamat o telenobela
Laging natatalo ng Emperador at ni Generoso
Di rin maunahan ang pulang kabayo

Gayahin ko man ang istilo ni Edgar Allan
Sadyang mahina ang sikmura ko
Ngunit gusto pa ring tapusin

Tapusin ang alin?
Ang panimulang di man lang makapagsalaysay
Mga pangungusap na walang tinuran
Mga pasubaling di na mawawakasan
Manunulat ba ako?
O isang mapagpanggap na makatang
Di makatapos ng talutod

Nagsayang ng tinta
Nagsayang ng papel
At mga oras na ginugol

Ngunit may bukas
Hangga’t humihinga
Kahit abutin ng edad setenta

Pilit tatapusin mga sinimulang kabanata
Mga pangungusap na walang tuldok
Walang torya.